Tulak na sumuko sa pulis, patay sa Parañaque

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2016 11:10 AM

Patay sa buy-bust operation sa Parañaque City ang isang tulak na sumuko na noong Hulyo. 

Sabi ng mga kaanak ni Michael Angelo Torres, tumigil na siya sa pagtutulak ngunit itinuro umano sa pulis ng isa pang tulak. 

Napatay si Torres, na kilala rin bilang Michael Galís, sa operasyon ng pulis sa Culdesac, Barangay Sun Valley, Paranaque City 10:00 p.m. Lunes. 

Dugo na lang ang naabutan ng mga kaanak nito nang alisin ang police line at kunin ang kanyang bangkay lampas hatinggabi. 

Ang pinagtatakhan umano nila, hindi naman siya nakatira sa unang palapag kung saan natapos ang kanyang buhay. 

Sa police report, ka-transaksyon ng pulis si Torres sa isang buy-bust nang tumakbo umano ito at nagtangkang manlaban. Hindi raw pumutok ang baril ni Torres, ngunit naputukan naman siya ng mga rumespondeng pulis. 

Ayaw ito paniwalaan ng anak ni Torres, na nagsabing wala namang pag-aaring baril ang kaniyang ama. Dagdag pa niya, tinigil na ng ama ang matagal na gawaing pagbebenta ng droga. 

Sumuko na umano si Torres sa pulisya noong isang buwan at kukuha na dapat ng police clearance ngayon para makapasok sa trabaho. 

"Kung kailan nagbagong buhay na," ani ng anak ng napatay na si Michael Jay.

Kwento ni Michael Jay, iniwan niyang mag-isa sa bahay ang ama nang gabing iyon. Pagbalik nila ng kanyang kinakasama, hindi na sila pinalapit. Hinalughog pa ang tirahan niya ng ama sa ikalawang palapag ng gusali. 

Narekober ng pulis ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu at P200 na pinambayad umano. 

Suspetsa ni Michael Jay, itinuro ang kanyang tatay sa pulis ng isang dating kasamahan na umano'y pangunahing tulak sa lugar. 

"Kapag nagre-raid dito, lagi yun wala. Siya naman yung pinakatulak dito; hindi yung tatay ko," aniya. 

Nasa ref pa ng pamilya ni Michael Jay ang mga barbecue na ibebenta nila sana ngayon. Galing ang puhunan ng kabuhayan nila sa kinita ni Torres sa pagtutulak na ayaw na umano niyang ibalik sa amo nito sa pagtutulak. 

Nag-aalala naman sila para sa kanilang kaligtasan dahil malaya pa rin ang iba pang dating kasamahan ng kanilang ama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.