'Top drug personality' ng Bangui, arestado

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2016 11:17 PM

ILOCOS NORTE -- Arestado sa ikinasang buy-bust operation ng mga pulis ang itinuturing na "top drug personality" sa Bangui, Ilocos Norte.

Nagbenta umano si Omar Corpuz ng isang sachet na naglalaman ng materyal na pinaghihinalaang methamphetamine o “shabu” sa kanyang bahay sa Barangay San Lorenzo.

Ayon sa hepe ng pulisya na si Senior Inspector Crispin Simon Jr., nang mapansin ni Corpuz na pulis ang kanyang kausap, tumakbo ang suspek sa loob ng bahay pero nasukol siya nga mga pulis. Tumambad din sa kanila ang anim na plastic sachet na residue na lang umano ang laman, at mga drug paraphernalia.

Isa si Corpuz sa higit 300 personalidad na sumuko sa mga otoridad noong nakalipas na buwan dahil sa umanong paggamit at pagbebenta ng shabu. Hindi umano ito tumigil sa pagbebenta batay sa tuloy-tuloy na pagmamasid sa kanya.

"Sa loob ng bayan siya nagbebenta at pinupuntahan siya ng mga kliyente niya sa kanyang bahay. Hindi talaga tumigil hanggang sa nagpositibo nga 'yung isinagawa nating operation," ani Simon Jr.

Itinanggi naman ni Corpuz ang paratang sa kanya na nagbenta siya ng shabu.

"Noong sumuko ako, nagbago na talaga ako. 'Yung sinasabi nilang buy-bust, hindi po totoo dahil wala naman pong nangyaring transaksyon. Hindi ko masasabing planted [ang droga] pero wala akong binenta," depensa ni Corpuz.

Kinekwestyon din ni Corpuz ang pagiging numero uno niya sa drugs watchlist sa nasabing bayan.

"Kung Top 1 ako, mayaman na sana ako. Makikita niyo naman sa bahay ko. Wala kami sa wala. Kaya imposibleng Top 1 ako," giit ni Corpuz.

Nasa kostudiya na ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PAIDSOTG) ng Philippine National Police si Corpuz at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165, o sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.