Suspek sa droga, ginulpi umano ng mga pulis-Laoag

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2016 09:49 PM

LAOAG CITY – Nagtamo ng black eye at sugat sa kamay, at nahirapang huminga ang sinasabing ika-anim na "drug personality" ng siyudad ng Laoag dahil umano sa pambubugbog ng mga pulis.

Ayon kay Jeferson Gomez, 36, binugbog siya ng mga pulis sa isinagawang buy-bust operation ng mga ito laban sa kanya.

"Marami sila. Silang lahat bumugbog sa akin, parang hindi sila makuntento, kita naman sa mukha ko,” ani Gomez. Dagdag nito, itinanim lang umano ng mga awtoridad ang drogang methamphetamine o shabu, upang magkaroon ng dahilan na siya ay maaresto.

Nakuha sa suspek, na nagtatrabaho bilang tagalagay ng fiber glass sa mga sasakyan, ang dalawang plastik na may lamang materyal na pinaghihinalaang shabu, at markadong pera na nagkakahalagang P1,000.

Itinanggi naman ng pulisya ang alegasyon ng suspek.

"Naghinala siya na pulis na pala kaharap niya, tumakbo, ayun nagkahabulan. Bumagsak sila sa ground at doon nagkarambol," ayon kay Superintendent Edwin Balles, hepe ng pulisya sa Laoag.

Humaharap si Gomez sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Handa naman daw ang mga pulis kung magsasampa din ng kaso ang suspek laban sa kanila.