Hinihinalang drug pusher, patay nang manlaban umano

Hajji Kaamino, dZMM

Posted at Aug 30 2016 12:28 PM

Nanlaban umano kaya't napatay ng mga tauhan ng Manila Police District Station 1 ang isang hinihinalang drug pusher sa ikinasang buy-bust operation sa Trinidad Street corner Lacson, sa Vitas, Tondo, Maynila.

Patay na ng madala sa Tondo General Hospital ang suspek na kinilalang si Ernesto Salting alyas Weng na nasa drug watch list umano ng pulisya.

Ayon kay Police Superintendent Redentor Ulsano, nagkasundo ang nagkunwaring buyer at ang suspek sa halagang P500 na shabu, pero nakatunog umano ito na pulis ang ka-transaksyon.

Bumunot pa umano ng kalibre .38 baril si Salting at nakipagpalitan ng putok bago mapatay ng mga awtoridad.

Narekober mula sa crime scene ang anim na sachets ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P8,500.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.