PatrolPH

School service operators umapelang huwag munang singilin ng pentalty sa prangkisa

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2021 02:30 PM | Updated as of Aug 29 2021 06:35 PM

Watch more on iWantTFC

Sa nakalipas na higit 2 dekada, inihahanda ni Celso dela Paz ang kaniyang mga sasakyang pang-school service tuwing magpapasukan.

Pero halos 2 taon na siyang garahe muna.

"Bulok na 'yong iba, binenta na. 'Yong iba, ida-drop na... Walang face-to-face eh, puro online [classes] ang nangyayari. Ang mga bata, nasa bahay," sabi ni Dela Paz, na pangulo rin ng National Alliance of School Service Association.

Sinubukang ipaarkila ng grupo ni Dela Paz ang kanilang mga unit sa mga kompanya. Pero kalauna'y lumipat na sa pampublikong sasakyan ang mga pasahero.

"Sabi ko nga, hindi tayo puwede umasa sa gobyerno na tayo-tayo lang gumawa ng paraan na tayong kumita," ani Dela Paz.

Kaya hiniling din ng grupo na huwag muna silang patawan ng multa kung hindi sila magpaparehistro ng sasakyan at magre-renew ng prangkisa.

"Hindi pa naman natin masasabi kung hanggang kailan ito. Hanggang nand'yan 'yan, apektado halos lahat," ani Dela Paz.

"Sana naman ay mawala naman 'yon (penalty) habang may pandemic. 'Pag kumikita kami, puwede kami magpa-renew ulit," dagdag niya.

Pinalawig na umano ng Land Transportation Office ang validity date ng rehistro ng mga sasakyan.

Pero iginiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na walang multa kung pasok sa petsa ng pagbayad ng renewal ng prangkisa.

Pero kapag napaso ang prangkisa sa panahon ng enhanced community quarantine o modified enhanced community quarantine, ie-extend naman nila ito.

Nananatiling bawal ang face-to-face classes sa mga paaralan. Sa susunod na school year, distance learning ang muling iiral na paraan ng pagkatuto.

— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.