PatrolPH

Hirit na 7 hanggang 8 oras na online learning tinutulan ng ilang magulang

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2020 07:37 PM | Updated as of Aug 30 2020 05:51 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - May agam-agam ang ilang magulang sa hirit ng isang Department of Education official na gawing pito hanggang walong oras ang online learning ng mga estudyante. 

Ang magulang na si Enrique Vega, tingin niya ay hindi magiging maganda kung bababad sa harap ng gadget o computer ang mga bata. 

"Meron ding repercussions sa kanilang kalusugan lalo na sa kanilang mata. Nawawala ang attention span ng isang tao lalo na itong mga bata kung medyo hindi klaro ang linya o nagdadrop ang signal," ani Vega. 

Tingin naman ni Willie Rodriguez, pangulo ng isang Parents-Teachers Association, malaking hamon sa mga estudyante ang maghintay nang ilang oras sa magandang internet connection kaya't dapat ding ayusin ito ng pamahalaan. 

"Sitting in place for 3 hours while waiting for a good connection is an agonizing ordeal that most students will have to go through. Our government and the providers must work hand in hand to work out a feasible solution to this challenge. Not until the internet is fast enough to communicate, speed matters," ani Rodriguez. 

Ayon naman sa isang child psychologist, isa hanggang tatlong oras lang kada araw ang maipapayo niyang tagal sa harap ng gadget o computer ng bata. 

"Nagkakaroon sila ng eye strain, posture, nagkakaroon ng posture problem ... Nagkakaroon ng fixation sa ginagawa nila sa gadget, so napapabayaan ang feeding habits, yung tamang oras ng pagkain," ani Maria Luz Estudillo, founder at directress ng Headway School of Giftedness. 

"Mentally nagkakaroon din ng mental strain, emotionally nagkakaroon din ng anomosity. Hindi face-to-face kaya may nade-develop na animosity," dagdag niya. 

Pero ayon sa tagapagsalita ng DepEd na si Nepomuceno Malaluan, hindi pa gagawing polisiya ang 8-hour classes.

"This is a blended learning and the backbone of learning delivery at this time is the self-learning modules that are in printed form or online digital format and the online platform and including also where possible the educational videos and radio-based instructions are meant to be only supplementary," ani Malalauan. 

Suspendido ngayon ang face-to-face learning ngayong may banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), para mapigilan ang hawahan sa sakit. -- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.