Search and rescue ops sa nasunog na barko sa Dapitan City, itinigil na

Dynay Diestro, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 03:41 PM | Updated as of Aug 29 2019 09:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

DAPITAN CITY - Itinigil na ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng City Disaster Risk Reduction And Management Office ang search and rescue operations sa nasunog na Lite Ferry 16 kahit hindi tiyak kung may nawawala pang mga pasahero.

Alas-5 ng hapon Miyerkoles nang itigil na ang search and rescue operations, lalo't wala na rin namang pasahero na naghahanap ng nawawalang kaanak. Accounted for na rin ang lahat ng 23 tripulante ng barko.

Una nang sinabi ng PCG nitong Miyerkoles na nasa 136 na pasahero ang nasa manifesto ng barko. Pero ayon kay Lt. Junior Grade Cherry Rose Manaay, nasa 201 talaga ang bilang ng mga pasahero base na rin sa ipinadalang listahan ng Samboan Port sa Cebu.

Ang bilang naman ng nasagip noong Miyerkoles ay nasa 245, sobra ng 44 sa nasa listahan.

Iginiit ng PCG na walang overloading dahil 317 naman talaga ang capacity ng barko.

Nagpaabot na ng paunang tulong ang shipping company sa mga kaanak ng tatlong namatay. Inaasahan din na mamamahagi sila ng tulong pinansyal sa mga nakaligtas na pasahero.

Nasa hotel at nagpapahinga pa ang dalawang nasaktan sa aksidente na isinugod sa ospital Miyerkoles ng hapon.

Nakauwi na rin ang ilan sa mga pasahero matapos magpahinga sa hotel.
 
Inaasahan namang agad magsasagawa ng imbestigasyon sa nasunog na barko ang Maritime Industry Authority.

Sa ngayon ay naka-angkla lang sa pantalan sa bayan ng Plaridel ang nasunog na barko lulan pa rin ang 25 rolling cargoes na nadamay sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.