Higit 50 bahay ng informal settlers sa Taytay sinimulan nang gibain

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 06:28 PM

Higit 50 bahay ng mga informal settler sa Barangay San Juan sa Taytay, Rizal ang sinimulan nang gibain nitong Huwebes para bigyang-daan ang isang road-widening project ng lalawigan.

Nalulungkot man, tanggap na ni John Michael Gardoce ang paggiba sa kanilang tahanan sa loob nang mahabang panahon.

"Kagabi pa lang nagbaklas na kami ng mga gamit na magagamit pa sa lilipatan... Hindi naman talaga sa amin ang lupa. Pero sa katagalan namin dito, siyempre malungkot," aniya.

Pero may mga residenteng gaya ni Gema Sanchez na masama pa rin ang loob sa gagawing pagsira sa pinaghirapang bahay.

"Twenty years na po kami dito... Iyan na po ang pinundar namin sa umaga't gabing trabaho. Willing kami umalis. We’re just asking na end of the school year na lang sana," hinaing ng ginang.

Ayon sa probinsiya ng Rizal, 52 bahay ang ide-demolish sa kahabaan ng Highway 2000, simula sa dulo ng Barkadahan Bridge hanggang sa Creekside Hills.

Noong isang buwan pa raw inabisuhan ang mga residente, ayon sa mga opisyal.

"Tiningnan namin ang mga road obstruction, we discovered ang lugar na ito ay pag-aari ng National Housing Authority... Kinausap naman natin ang dwellers at pinaintindi sa kanila bakit kailangan itong gawin," sabi ni Rizal Governor Rebecca Ynares.

Bibigyang-daan ng demolisyon ang road widening project na layong maibsan ang mabigat na trapiko sa lugar. Inaasahang matatapos ang proyekto sa susunod na taon.

"Fourteen meters extra pavement para maging maluwag na ito, diretso ang flow ng traffic hanggang tulay," paliwanag ni Ferdinand Monakil, assistant district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Rizal.

Binigyan na ng relokasyon sa bayan ng Baras ang mga pamilyang apektado.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.