Guro sa Muntinlupa huli sa video ang pagsampal sa mga estudyante

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 09:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inireklamo ng mga magulang ang isang lalaking guro sa Pedro E. Diaz High School sa Muntinlupa City matapos nitong pagsasampalin ang kaniyang mga estudyante, batay sa kuhang video ng isang mag-aaral.

Kinilala ang guro na si Jom Borja, isang Music, Arts, Physical Education, and Health (MAPEH) teacher at Citizen Army Training (CAT) commandant.

Sa video na kuha ng isang estudyante, rinig ang mga malulutong na sampal ni Borja sa kaniyang mga grade 10 student.

"Iyung ngumiti lang, palibhasa po mga bata, 'pag ngumiti 'yung isa biglang nagtawanan lang. Tapos ito pong si Sir Jom nagsalita na 'pinagtatawanan niyo ba ako?' Hindi lang daw ['yung anak ko] ang sinampal, pang-5 na daw po 'yun," kuwento ni alyas "Maria," isa sa mga magulang na nagreklamo.

Ganito rin ang reklamo ni alyas "Jay," magulang ng isa sa mga nasa video na binatukan at sinampal ni Borja. Na-trauma raw ang kaniyang anak dahil sa insidente.

Dagdag pa ni Jay, kinuha ni Borja ang cellphone ng anak niya at ibinalik lang pagkatapos ng 3 linggo.

Inilapit na ng mga magulang sa principal ng eskuwelahan ang nangyari.

Tumangging humarap sa kamera ang principal pero sinabi niyang inalis na si Borja bilang MAPEH teacher at CAT commandant.

Inendorso na rin ng principal ang insidente sa Department of Education (DepEd), na nag-iimbestiga na ngayon.

Nagpaalala naman ang DepEd ukol sa child protection policy.

"Immediately po kailangan magkaroon ng complaint or incident report. Pag nai-report 'yan, within 48 hours ay mabigay po sana 'yung incident or 'yung complaint. And within 72 hours, kailangan naibigay na po ito sa ating disciplining authority," ani DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla.

Kapag nagkaroon ng paglabag sa polisiya, sasailalim sa counseling ang 2 panig.

Desidido naman ang mga magulang na papanagutin si Borja.

—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.