PatrolPH

ALAMIN: Mga klase, sintomas ng impeksiyon sa baga

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 07:22 PM | Updated as of Aug 29 2019 09:25 PM

Watch more News on iWantTFC

Kasama ang mga impeksiyon sa baga sa mga sakit na madalas na maranasan sa tag-ulan.

Paano nga ba malalaman kung may impeksiyon na sa baga?

Ibinahagi ni Isauro Guiang Jr., isang pulmonologist, sa "Good Vibes" ng DZMM nitong Huwebes ang ilan sa mga impeksiyon na karaniwang nakikita sa baga.

BRONCHITIS

Isa rito ang bronchitis o pamamaga ng mga daluyan na nagbibigay ng hangin sa baga.

Ayon kay Guiang, kadalasang naglalabas ng plema ang mga may bronchitis. Maaari ring ubuhin at lagnatin ang mayroon nito.

PNEUMONIA

Itinuturing namang isa sa leading cause of death ang pneumonia.

Halos katulad umano ng pneumonia ang mga sintomas ng bronchitis pero ang pagkakaiba aniya ay may lumalabas na "area of whiteness" sa resulta ng x-ray ng mga may pneumonia.

"'Pag sinabi kasing bronchitis, lower respiratory tract infection siya. So sasabihin nating inuubo siya, maaaring may lagnat, mayroon din siyang plema. Pero pag in-x-ray, lalabas sa x-ray na 'area of whiteness,'" ani Guiang.

Dagdag pa ni Guiang, may "naririnig" na kakaiba sa baga ng may pneumonia.

LARYNGITIS

Sa lalamunan naman nararamdaman ang laryngitis, o iyong pamamaga ng larynx o voice box na pinanggagalingan ng boses.

Pagmamalat at pagsakit ng lalamunan ang tanging sintomas ng laryngitis.

Pero kung kasabay nito ang pagkakaroon ng ubo at plema, maaari aniyang sintomas ito ng bronchitis o kaya pharyngitis.

"General term kasi ang sore throat so it's used loosely by patients," ani Guiang.

PAANO MAIIWASAN?

Ayon kay Guiang, kadalasang nasusuri ang mga sakit sa baga sa pamamagitan ng chest x-ray lalo na kung malubha ito.

Dito na kasi aniya nakikita ang mga senyales ng mga malulubhang sakit gaya ng mga bukol o tubig sa baga, at iba pa.

Para maiwasan ang mga malulubhang sakit sa baga, dapat aniyang sumunod sa diet, mag-ehersisyo, umiwas sa paninigarilyo.

Inanyayahan din ni Guiang na magpabakuna kontra pneumonia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.