44 babaeng pa-Saudi nasagip sa Mandaluyong; illegal recruiter timbog

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 06:42 PM | Updated as of Aug 29 2019 07:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasagip ng mga awtoridad nitong Huwebes ang 44 babae na ide-deploy sana ng isang illegal recruiter papuntang Saudi Arabia.

Nilusob ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Organized and Transnational Crimes Division ang isang apartment sa Mandaluyong City kung saan pinatira ng recruiter na si Crisanta Rampas ang kaniyang mga biktima.

Lahat ng 44 babae ay mula Zamboanga at Jolo. Batay pa sa dental records, 4 sa kanila ay mga menor de edad.

Natimbre ang operasyon ni Rampas matapos makatakas ang isa niyang biktima. Natakot kasi ang 19 anyos na si alyas "Babylin" dahil bukod sa pang-iinsulto, dinoktor daw ni Rampas ang kaniyang dokumento.

"Huwag daw kami magsabi ng real age namin dahil kapag nagsabi kami ng totoo baka hindi kami maka-abroad," kuwento ng biktima.

Kailangan ay 23 anyos pataas ang edad ng sino mang nais mag-domestic helper sa Saudi Arabia.

Itinanggi naman ni Ragas na namemeke siya ng dokumento.

"Hindi totoo 'yan, bakit ko gagawin 'yang ikasisira ko?" sabi ng suspek.

Kulong si Rampas sa kasong large-scale illegal recruitment.

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.