2 dawit sa 'gun-for-hire' sa Bulacan, Navotas patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 06:44 PM | Updated as of Aug 29 2019 08:26 PM

Watch more in iWantTFC

Patay sa engkuwentro sa San Jose del Monte, Bulacan nitong Huwebes ang 2 lalaki na isinasangkot sa gun-for-hire activities at ilegal na droga.

Nangyari ang palitan ng putok sa pagitan ng mga suspek at pulisya sa Barangay Gaya-Gaya habang nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad.
 
Matapos ang putukan ay nakahandusay na ang 2 suspek na kinilalang sina alyas "Romel" at "Jay-R."
 
Bukod sa mga shabu at drug paraphernalia ay narekober din sa kanila ang isang baril, sumpak, at motorsiklo na gamit umano ng tandem sa ilang ilegal na gawain.

"Gun-for-hire at illegal drugs sila. Lumalaro sila dito at sa Navotas. Kapag hindi nagre-remit sa shabu, sila ang pumapatay. Pinagkakakitaan din nila ang gun-for-hire," ani Police Lt. Col. Orlando Castil, hepe ng San Jose del Monte police.

Dagdag pa ng mga pulis, sa Bulacan muna nagtatago at nag-o-operate ang grupo nina Romel dahil mainit na sila sa Metro Manila.

Hanggang 5 kasamahan pa ng mga suspek ang tinutugis ng mga pulis.

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.