15 tiklo sa droga sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 05:56 AM

MAYNILA—Arestado ang 15 katao sa magkakasunod na operasyon kontra droga sa Bacoor City, Cavite Miyerkoles ng gabi.

Unang nahuli sa Barangay Molino 3 si alyas Ashly na nakuhanan ng higit P13,000 halaga ng hinihinalang shabu at isang 9mm pistol.

Itinuro niya ang pinagkukunan ng droga sa Barangay San Nicolas 1 at nahuli ang 4 na iba pa.

Samantala, nasamsam naman ang P60,000 halaga ng droga sa bahay ni alyas Regie sa Barangay Zapote 5. Ginagamit umano nito ang negosyong manukan bilang front sa pagtutulak.

Sa Barangay Molino 2 naman, higit P150,000 ng umano'y shabu ang nadiskubre sa bahay ni alyas Tere. Nakasilid umano ang droga sa isang pouch sa ilalim ng mesa.

Sa kabuuan, aabot sa P300,000 halaga ng droga ang nakumpiska ng Bacoor City police. Lumalabas din sa imbestigasyon na ginagawa umanong drug den ang mga bahay ng suspek.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.