SAPUL SA VIDEO: Tawaran sa paninda, nauwi sa rambol

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2018 01:47 PM | Updated as of Aug 29 2018 01:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Limang lalaki ang nagrambol sa labas ng palengke, na nag-ugat lamang umano sa paghingi ng diskuwento sa isang produkto. 

Sa kuhang video ni Alexandra Venus Vidar sa labas ng Kalibo Public Market, makikita ang tatlong lalaki na ginugulpi ang isang tindero na nakalupasay na sa semento.

Ilang segundo pa, nakisali ang isang lalaki upang ipagtanggol ang tindero. May hawak itong upuan na hinampas niya sa tatlong nambubugbog.

Nang umawat na ang mga saksi, umalis na rin ang mga dawit sa rambol.

Ayon kay Vidar, tumatawad ang tatlong lalaki sa tindero para sa isang sombrero. Tumanggi ang tindero kaya't ininsulto umano ito ng grupo.

Tila lasing din daw ang mga lalaking nanggulpi.

Naaresto ang limang lalaki, ayon sa hepe ng Kalibo police na si Supt. Richard Medpania.

Pero imbes na magsampahan ng kaso, nagdesisyon umano ang lima na makipag-areglo. 

—Ulat ni Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.