PatrolPH

Martial law sa Mindanao, tinitingnan kung palalawigin

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2018 09:26 PM | Updated as of Aug 29 2018 09:56 PM

Watch more on iWantTFC

Kasalukuyang tinitingnan ng Malacañang kung palalawigin muli ang batas militar sa Mindanao matapos ang pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng 37 katao. 

Ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, maaaring palawigin pa ang batas militar sa lalawigan hanggang katapusan ng 2018. 

"It's an option. Andiyan 'yun. We're trying to make it as easy as possible na walang ano. Kung ganito pa rin ang nangyari, ano'ng gagawin natin, upo lang tayo diyan?" ani Medialdea. 

Nanawagan ang presidential daughter na si Sara Duterte Carpio na suportahan ang pagdeklara ng batas militar sa Mindanao. 

"Kung sa tan-aw sa atong (Kung nakikita nitong) Armed Forces of the Philippines, Office of the President, Philippine National Police, there is a need to extend our declaration of martial law in Mindanao then we all follow the direction of the national government," aniya. 

("Kung nakikita ng AFP, Office of the President, at PNP, na may pangangailangang pahabain ang batas militar sa Mindanao ay dapat sundin natin ito.") 

Watch more on iWantTFC

Sa kuhang video ni Agnes Santos, makikitang nagtatakbuhan sa takot ang mga tao nang sumabog ang isa sa tatlong iniwang improvised explosive device (IED). 

Agad namang na-detonate ng mga awtoridad ang dalawa pang bomba na nakita malapit sa munisipyo. 

Ayon kay Department of Defense Secretary Delfin Lorenzana, may nag-iwan ng bag sa isang lugar bago ang pagsabog. 

“Iniwan niya 'yung bag sa isang lugar, hinabol siya, pumutok ito. Siguro pista du'n. May festival, gusto manggulo,” ani Lorenzana. 

Lalo naman daw maghihigpit ng seguridad ang mga awtoridad sa Mindanao, ayon sa tagapagsalita ng Southern Mindanao Police na si Chief Inspector Milgrace Driz. 

“I have tightened our alert level, mas pinapaigting pa natin 'yung checkpoints na ginagawa, and at the same time 'yung monitoring ng intelligence natin,” ani Driz. 

'Hindi ito solusyon' 

Tingin ni Bise Presidente Leni Robredo, hindi batas militar ang solusyon sa problemang terorismo sa Mindanao. 

“Kung pagbabasehan 'yung mga nakaraang nangyari pinapakita na hindi epektibo yung martial law sa pagsugpo nito,” ani Robredo. 

Kontra rin dito ang grupong Bayan Muna dahil, anila, panakot lang ito ng gobyerno. 

"Itong extension ng martial law, hindi ito ang gusto ng mamamayan sa Mindanao," ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate. 

Ayon kay Senate President Tito Sotto, hindi pa panahon para pag-usapan ang muling pagpapahaba ng martial law bunsod ng insidente. 

“Maaga pang maisip 'yan. Baka naman within a month or two, resolved na 'yung mga nangyari doon,” ani Sotto. 

Dagdag niya, dapat na lamang amyendahan ang National Security Law para humigpit ang kampanya sa bayan kontra terorismo. 

Pero ayon kay Special Assistant to the President Bong Go, desisyon pa rin ng pangulo kung muling pahahabain ang martial law. -- Mga ulat nina RG Cruz at Chay Tabunaway, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.