Libo-libong trabaho sa Japan ang magbubukas para sa mga Pinoy sa Setyembre, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Bahagi ang mga trabaho ng technical intern training program (TITP), isang bagong deployment scheme kung saan kukuhanin ang isang manggagawa bilang trainee.
Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, sa unang linggo pa ng Setyembre inaasahang makukuha ng kanilang ahensiya ang mga job order kung ilang manggagawang Pinoy ang kakailanganin sa Japan.
"It will run into thousands, lalong-lalo na sa pagdating ng kanilang pagho-host ng Tokyo Olympics. They will need a lot of workers," ani Olalia.
May 77 uri ng trabaho ang kailangan sa ilalim ng TITP gaya ng caregiving, construction, textile at machinery, ayon sa POEA.
Idadaan naman ang pagproseso sa mga aplikante sa 188 pribadong recruitment agency na in-accredit ng POEA para sa TITP.
Maganda umano ang sahod sa ilalim ng TITP. Halimbawa, ang caregiver ay may sahod na ¥160,000 o P70,000.
Pinaalalahanan ang mga nais mag-aplay na kailangan nilang makapasa sa language exam.
Nagpaalala din ang POEA sa mga interesadong mag-aplay na pababalikin din sila sa bansa matapos ang kanilang kontrata.
Konsepto kasi ng kasunduan sa Japan ay maturuan ang mga trainee ng mga bagong kaalaman para magamit din ito sa sarili nilang bayan. --Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, hanapbuhay, trabaho, abroad, overseas Filipino worker, trainee, TITP, technical intern training program, Philippine Overseas Employment Administration, POEA, caregiving, textile, machinery, construction, TV Patrol, Zen Hernandez, TV Patrol Top