Lalaking minura si Duterte sa viral pot session sumuko

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2018 08:04 AM | Updated as of Aug 29 2018 09:29 AM

MANILA - Sumuko sa mga awtoridad ngayong Miyerkoles ang ika-7 at huling suspek na makikita sa isang viral video na minumura si Pangulong Rodrigo Duterte habang gumagamit ng marijuana.

Papunta na sana sa Samar ang lalaking freshman sa kolehiyo, pero nakumbinsi siya ng ina na sumuko. Bumaba siya ng bus at nakipagkita sa pulisya sa Pagbilao, Quezon.

Dinala siya sa Malabon police station, kung saan una nang sumuko ang 6 niyang kaibigan na sangkot din sa viral video.

Humingi ng tawad ang ika-7 suspek nang makarating sa istasyon.
Aniya, "Humihingi lang po ako ng tawad sa Pangulo po. Wala po kami intensyon na hamunin ang Pangulo."

"Gusto ko pong magbagong-buhay," dagdag ng suspek na nais umanong ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinagsabihan naman ni Metro Manila police chief Director Guillermo Eleazar ang magkakaibigan na mali ang kanilang ginawa.

Iginiit ng mga kabataan na wala na sila sa wisyo nang kuhanan ang video na hindi rin umano nila ginustong ma-upload.

Dalawang taon na ang viral video pero posibleng pa ring maharap ang mga suspek sa kasong ilegal na droga at unjust vexation dahil sa pagmura sa Pangulo.
 
Nasa kustodiya ng Malabon police ang 7 suspek na pinatulog muna sa conference room ng istasyon.

Ulat nina Dennis Datu at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.