Daing ng DOH: Bakuna kontra rabies, may global shortage

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2018 08:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patuloy ang babala ng Department of Health (DOH) sa publiko na iwasang makagat o makalmot ng aso o pusa lalo’t may global shortage sa supply ng anti-rabies vaccine para sa tao. 

Paliwanag ng DOH, isang malaking kompanya kasi ang nakitaan ng impurities sa kanilang ginagawang vaccine kaya kinailangan itong i-pullout sa lahat ng ospital at klinika. 

Pero sa kabila ng shortage sa buong mundo, patuloy pa rin ang pagpunta ng mga tao sa San Lazaro Hospital para ipatingin ang kanilang mga sugat dahil sa kagat at kalmot ng hayop. 

Ang San Lazaro Hospital kasi ang pinakamalaking animal bite center sa bansa na araw-araw dinarayo para maipatingin ang kagat at kalmot ng mga hayop. 

Sa unang bahagi pa lang ng 2018, pumalo na sa mahigit 107,000 ang nagpakonsulta sa ospital matapos makagat ng hayop. 

Lahat sila, sumasailim sa pagbabakuna na aabot ng limang beses depende sa lala ng kaso.

NAKAMAMATAY

Babala ng eksperto, kung umabot ang rabies virus sa utak ay maaaring mamatay ang pasyente sa loob lang ng isa o dalawang araw. 

Kaya mahalaga umano na agad magpaturok ng anti-rabies vaccine ilang oras matapos makagat o makalmot. 

"Sa oras magkaroon ng contact at entry ang rabies virus, mag-a-attach sila sa nerve endings. The moment mag-attach 'yan, no amount of vaccination can stop from developing rabies... Isandaang porsiyento ang namamatay sa rabies. However, this is vaccine-preventable," paliwanag ni Dr. Efren Dimaano, medical specialist ng San Lazaro Hospital. 

Karaniwang sintomas ng rabies ang pagiging takot sa tubig at hangin, at pananakit ng dibdib dahil sa pamamaga ng puso. 

TUGON NG DOH

Isa sa hakbang na ginagawa ng DOH upang matugunan ang shortage ay ang pagbili sa ibang maliliit na pharmaceutical companies ng bakuna. 

"Noong April 2018 nag-announce na may problem sa global supply...[Pero] meron namang smaller companies who are producing [kaya] nagso-source out tayo," ani DOH Undersecretary Eric Tayag. 

Gayumpaman, kung mababa ang supply ng bakuna para sa tao ay sapat naman daw ang anti-rabies vaccines para sa mga hayop. 

Kaya paalala ng DOH, bahagi ng responsible pet ownership ang regular na pagpapabakuna sa mga alaga para maiwasan ang peligro.

—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.