PatrolPH

Agri chief, NFA officials, pinagbibitiw dahil sa kakulangan sa bigas, isda

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2018 08:47 PM | Updated as of Aug 29 2018 08:54 PM

Watch more on iWantTFC

Nanawagan ang ilang mambabatas na magbitiw na sa puwesto si Agriculture Secretary Emmanuel "Manny" Piñol at ang mga opisyal ng National Food Authority (NFA) dahil sa sunod-sunod na problema sa suplay ng bigas at isdang galunggong.

Naging tugon kasi ng Department of Agriculture (DA) at NFA sa kakulangan sa suplay ng bigas at galunggong ang pag-angkat sa mga produkto, na para sa ilang mambabatas ay dagdag-problema lang at hindi solusyon.

"Hearing the secretary of Agriculture himself saying 'wala tayong magagawa, we have to import fish...' Kung hindi na niya kaya ang trabaho, he should give up," sabi ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza.

("Kapag naririnig mo ang secretary of Agriculture na nagsasabing 'wala tayong magagawa, kailangan na nating mag-angkat ng isda...' Kung hindi na niya kaya ang trabaho, sumuko na lang siya.")

"I would include the secretary of Agriculture because he’s supposed to be on top of all of this. NFA, the council members — lahat sila dapat magbitiw," dagdag ni Atienza.

("Isasama ko ang secretary of Agriculture dahil siya ang dapat na nangunguna sa lahat ng ito. NFA, iyong mga miyembro ng konseho — lahat sila dapat magbitiw.")

Patuloy na nararanasan sa iba-ibang panig ng bansa ang kakulangan sa suplay ng murang bigas ng NFA, partikular sa Zamboanga City, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi (Zambasulta).

Dahil kaunti ang murang bigas, patuloy namang tumataas ang presyo ng commercial rice.

Nakitaan naman ng mga insektong bukbok ang daang libong sako ng inangkat na bigas mula Thailand, na kasalukuyang isinasailalim sa fumigation o pagpapausok ng gamot

Mag-aangkat na rin simula Setyembre ng mga galunggong dahil sa kakulangan sa suplay.

Binatikos naman ni House Minority Leader Danilo Suarez ang paghawak sa mga kaso ng pagkakaroon ng bukbok sa mga inangkat na bigas.

"I think it's very unbecoming for no less than the Secretary to say that 'yong in-import nila na iba[ng bigas], may bukbok. Eh sabi wala naman diperensiya kumain na may bukbok. Eh kung pakainin kita ng bukbok araw-araw sa bigas mo, ano pakiramdam mo?" ani Suarez.

Para naman kay AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, "economic sabotage" o pananabotahe sa ekonomiya ng bansa ang ipinapanukala ni Piñol na gawing legal ang pag-smuggle ng bigas sa ilang lugar sa Basilan at Zamboanga.​

"Plain stupidity to call for the legalization of smuggling on agricultural products," aniya.

Hinimok ng mga mambabatas ang gobyerno na suportahan ang lokal na agrikultura sa halip na maglaan ng pondo sa pag-angkat ng bigas at isda. 

Mas maganda pa, ani Suarez, na maglaan ng subsidiya para sa mga magsasaka at mangingisda.

DI MAGBIBITIW

Pero ayon kay Piñol, wala siyang balak na magbitiw sa puwesto.

"Why should I? I was appointed by the president, I serve at the pleasure of the president," sabi ng kalihim.

Dumepensa rin si Piñol at sinabing hindi naman niya ipinanukala na gawing legal ang smuggling kundi ang pagtayo ng rice trading center para sa matatagal nang smugglers sa Tawi-Tawi na pagbibilhan ng bigas mula Sabah, Indonesia.

"Allow these people to import legally, pay the tariff. But the volume of rice should not exceed the actual consumption requirement of the Zambasulta (Zamboanga, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi) region," aniya.
 
Nanawagan naman ang Bantay Bigas na magkaroon ng price ceiling sa presyo ng commercial rice na P38 kada kilo para hindi umabuso ang mga rice trader. -- May ulat nina RG Cruz at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.