PatrolPH

2 opisyal ng NFA, inireklamo dahil 'naglihis' ng pondo

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2018 08:44 PM

2 opisyal ng NFA, inireklamo dahil 'naglihis' ng pondo 1
Dinidiskarga ang ilang sako ng bigas sa isang warehouse sa Maynila noong Agosto 7, 2018. George Calvelo, ABS CBN News

Nagsampa ng reklamo ang isang grupo laban sa dalawang opisyal ng National Food Authority (NFA) matapos umanong ipambayad sa utang ang pondong pambili dapat ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka.

Idinemanda nitong Miyerkoles ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sina NFA Administrator Jason Aquino at isa pang opisyal na si Gerry Ambrosio.

Dahil sa ginawang paglihis umano sa pondo ay nakararanas ngayon ang ilang panig ng bansa ng kakulangan sa suplay ng bigas at pagtaas sa presyo nito.

"Ang 'finile' natin is Anti-Graft and Corruption Practice Act and 'yong technical malversation," ani SINAG chairman Rosendo So.

Noong nakaraang taon, nagtalaga ang Kongreso ng P5.1 bilyon pondo ng NFA para pambili ng bigas sa mga lokal na magsasaka upang mapanatili ang mababang presyo ng bigas at tulungan ang mga magsasaka na mas maging masagana ang ani.

Pero pinambayad umano ang P3 bilyon sa utang at ang P2 bilyon ay idineposito sa bangko sa ilalim ng rice collection savings account sa halip na ipambili ng bigas.

Ayon sa Commission on Audit (COA), dahil dito, posibleng hindi direktang nagamit ang natitirang P2 bilyong pondo para sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.

INULIT NGAYONG 2018

Ayon naman kay House appropriations committee chairman Karlo Nograles, pinansin na nga ng COA ang ginawa ng NFA noong nakaraang taon, inulit pa nila ito nitong taon.

Sa pagkakataong ito, ayon kay Nograles, sa halip na ipambili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka ang P7 bilyong pondo na ibinigay ng Kongreso sa NFA, pinambayad ulit umano ito ng utang.

"I have an admission from the NFA officials that they did that P5 billion. 'Dinivert' po nila, na-misappropriate na naman," ani Nograles.

"By the way, 'yong ginagawa ng NFA officials na ito ay walang pahintulot, permiso, approval from the NFA council," dagdag ni Nograles.

Dahil pinambayad ng utang ang pondo at nagkulang na ang pambili ng bigas mula sa lokal na magsasaka, kinailangan muling mag-angkat ng NFA ng bigas, at mangutang pa ng P8 bilyon para pambayad sa pag-aangkat.

Ayon pa kay Nograles, malinaw sa 2018 General Appropriations Act na dapat gamitin ang P7 bilyon pondo para sa pagbili ng bigas sa mga lokal na magsasaka at hindi ipambayad ng utang.

"Since 'dinivert' po 'yong pera sa ibang bagay, that's called technical malversation," ani Nograles.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Kongreso sa isyu.

Tumanggi namang magbigay ng komento ang NFA at Department of Agriculture.

-- Ulat ni Henry Omaga Diaz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.