P5M shabu kumpiskado mula sa umano'y tulak sa Cebu

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 11:32 AM

CEBU CITY - Hindi bababa sa P5 million halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa isang mag-asawa sa Barangay Ermita, Lunes.

Arestado si Norman Cristobal, ngunit nakatakas ang asawa nitong si Jovelyn Cristobal nang magsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency ng Central Visayas.

Ang mag-asawa ay parehong high-value target dahil sa pagtitinda nila ng shabu na hindi bababa sa 50 gramo, saad ni Leila Albiar, tagapagsalita ng PDEA Central Visayas.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung totoo ang tip na kasabwat ng mag-asawa ang ilang opisyal ng barangay sa pagtitinda ng droga.

Samantala, 7 pang pinaghihinalaang adik na naaktuhang gumagamit ng iligal na droga sa umano'y drug den ni Roger Libradilla ang timbog sa Barangay Lahug.

Pinag-aaralan pa ng mga pulis kung magkaugnay ang operasyon ng mag-asawang Cristobal at ni Libradilla.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.