Mga magulang ni Kian, bumisita sa puntod ng anak

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 10:17 PM | Updated as of Aug 30 2017 12:01 AM

Nagkaroon ng pribadong pagkakataon ang mga magulang ni Kian Loyd delos Santos para bisitahin ang anak sa puntod at mag-alay ng dasal nitong Martes.

Kasama ang mga taga-Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), nagkaroon ng pagkakataon ang mag-asawa na madalaw ang puntod ng anak upang magsindi ng kandila at taimtim na mag-alay ng dasal. Ito ay dahil daw sa tindi ng siksikan at dami ng mga taong nakipaglibing noong Sabado, Agosto 26. 

Ayon sa ina ni delos Santos na si Lorenza delos Santos, gusto pa raw ng isang pari na patagalin pa ang libing ng anak pero hindi na sila pumayag.

Ibinunyag din ng mga magulang ni delos Santos na noong nakaburol pa ang anak, may ilang grupong nagtangkang kausapin sila para dalhin ang kabaong ng anak sa ibang lugar, pero hindi nila ito pinahintulutan.

Nagpapasalamat din ang mag-asawang Saldy at Lorenza sa mga binitiwang pangako sa kanila ni Pangulog Rodrigo Duterte na hindi niya kukunsintihin ang mga pumatay kay delos Santos nang magkaharap sila kahapon, Agosto 28, sa Malacañang Golf Club.

Nilinaw naman ng Malacañang na walang kinalaman ang pakikipagpulong ng Pangulo sa mga magulang ni delos Santos sa mga negatibong kritisismo laban sa giyera kontra droga ng gobyerno.

17 pulis, hiningan ng counter-affidavit ng PNP-IAS

Hiningan na ng Philippine National Police-Internal Affairs Service ng counter-affidavit ang 17 pulis-Caloocan na kasama sa 'Oplan Galugad' noong Agosto 16.

Ayon kay PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, hiningan na rin nila ng report ang mga sangkot na pulis tungkol sa kanilang panig sa mga pahayag ng testigo kasama ang kanilang mga ebidensiya. Tatanungin din aniya ng PNP-IAS kung ano ang naging partisipasyon na mga pulis sa isinagawang operasyon.

Sinabi ni Triambulo na rerebyuhin nila ang mga counter-affidavit ng mga pulis at kung makitaan nila ito ng probable cause, pormal daw silang magsasampa ng kasong administratibo sa susunod na linggo.

Nakitaan ng PNP-IAS ng mga paglabag sa police operational procedures ang operasyon at itinuturing nila itong sapat upang magsampa ng kaso.

Humingi naman ng kopya ng counter-affidavit ng mga testigo si Triambulo sa Public Attorney's Office at kay Sen. Risa Hontiveros upang maisama ang mga ito sa pagsusumite nila ng dokumento sa pagdating ng pormal na pagdinig sa kaso.

Samantala, binigyan ng Department of Justice ng 'provisional coverage' ng Witness Protection Program ang mag-asawang delos Santos.

-- Ulat nina Dominic Almelor at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.