Lola, nalunod sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 06:53 PM | Updated as of Aug 29 2017 07:48 PM

ILOCOS NORTE - Isang 84-anyos na babae ang nalunod sa ilog ng Sarrat, Ilocos Norte Lunes ng umaga matapos maligo mag-isa.

Ayon kay Tranquilina Tuliao, anak ng nalunod na lola na si Segundina Duldulao, araw-araw pumupunta ang biktima sa ilog para maligo.

“Ayaw niya kasing maligo sa poso namin, mas gusto niya sa ilog. Doon na din niya nilalabahan ang kanyang damit," ani Tuliao.

Natagpuan ng kanilang mga kapitbahay ang palutang-lutang na bangkay ng biktima sa ilog.

Paniwala ng pamilya, nadulas ang kanilang ina at dahil sa katandaan ay hindi na nakaahon.

“Lagi namin siyang pinagsasabihan na huwag pumunta sa ilog, pero hindi niya kami pinakikinggan,” dagdag ng kanyang anak.

Sa medical examination ng biktima, lumalabas na namatay si Duldulao sa asphyxia secondary to drowning o ang pagkawala ng oxygen sa katawan dahil sa pagkalunod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.