Lalaking pinagtawanan umano ang sumemplang na siklista, binugbog hanggang mapatay

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 09:26 AM | Updated as of Aug 29 2017 06:35 PM

MANILA - Patay ang isang lalaki matapos bugbugin ng 4 na magkakaanak, kasama na ang lalaking kanyang pinagtawanan dahil sa pagsemplang habang sakay ng bisiklista sa Parañaque, Linggo.

Kinilala ang biktima na si Jonathan Sudaria, empleyado ng isang electronics at aircon repair shop sa lungsod.

Nakasagutan ni Sudaria ang isang Julius Palaganas na pinagtawanan umano niya matapos sumemplang habang nagbibisikleta sa tapat ng repair shop.

Sa gitna ng kailang pagtatalo, dumating ang pinsan at 2 kapatid ni Palaganas na agad namang sinugod ang biktima.

"Wala pang 2-3 minutes dumating na ang kuya... pinagsusuntok, pinagpapalo, hinila palabas. Kitang kita ko kung pano nila patayin 'yung tao," ayon sa isang saksi.

Naiwang duguan at wala nang buhay si Sudaria sa tapat ng pinagtatrabahuhan.

Ayon sa rumespondeng barangay tanod, gumagamit umano ng ipinagbabawal na gamot ang magkakapatid na Palaganas.

"Na-tokhang na rin sila. Minomonitor ng barangay at pulis," ani Ryan Fernandez, tanod.

Sinubukan pang tumakas ng 4 suspek pero agad nasakote ng pulis si Palaganas.

Naaresto ang mga kapatid niyang sina Paul at Jomar sa follow-up operation habang kusang-loob namang sumuko sa mga awtoridad ang pinsan nilang si Rolando Santos.

Sasampahan sila ng kasong murder.

Hinuli rin ang ama ng magkakapatid na si Marcial dahil sa obstruction of justice.

Hindi naman makapaniwala ang ina ng biktima sa sinapit ng anak.

"Ang pagkakilala ko sa kanya, kung may pangyayari, tumutulong naman yun. Ewan ko bakit sabihin nilang tinawanan sila," sabi ni Milaluna Carmina, ina ni Sudaria.

"Sa sitwasyon na nangyayari, hindi magagawa ng matinong utak. Kung magalit ka man, masuntok lang, rambulan or saksak, pero hindi ganun kalala kung hindi sila nakadroga."

Bahagyang aniyang gumaan ang kanyang loob nang malamang nahuli na ang mga suspek. Umaasa siyang mapananagot sila sa batas. Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.