Lalaki, patay sa pamamaril sa Tuguegarao

Annie Pasion, ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2017 03:33 AM

Patay ang isang lalaki sa pamamaril ng riding in-tandem sa Tuguegarao City, Cagayan nitong Lunes ng gabi.

Bumulagta si Alfonso Remudaro, 34, sa Washington Street, Barangay Centro Kwatro.

Binisita umano ng biktima ang isang empleyado ng isang pwesto sa lugar at naglalakad ito pauwi nang lapitan ng dalawang lalaking lulan ng pulang motorsiklo na walang plaka.

Pinagbabaril ang biktima ng apat na beses na sanhi ng agaran nitong pagkamatay. Nakatakas ang mga suspek.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo ng bala, isang slug, at isang metal fragment ng kalibre .45 pistol.

Bagamat hindi pa matukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek dahil sa suot na face mask, ipinoproseso na ang kuha ng CCTV sa mga katabing gusali na inaasahang makapagbibigay linaw sa pagkakakilanlan ng mga ito.

Ayon kay Supt. Edward Guzman, hepe ng Tuguegarao City Police, may sinisilip nang motibo sa pagpatay.

“Baka love triangle ito. Isa pa, dati nang may kaso ang victim, robbery at carnapping sa Solana noong 2014. Kaya baka previous grudge ito,” aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.