Lalaki nag-amok sa Pasay; 4 patay, 5 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 09:22 PM | Updated as of Aug 30 2017 03:59 AM

(2nd UPDATE) Apat ang patay habang lima ang sugatan matapos mag-amok at manaksak ang isang lalaki sa loob ng isang condominium sa Pasay City, Martes ng gabi.

Ayon kay National Capital Region Police Office Chief Dir. Oscar Albayalde, napatay si Emelyn Sagun matapos saksakin ng kanyang nobyong si Robert Garan sa Central Park Condominium, Pasay City.

"Suspect nagkaroon ng heated argument with his girlfriend. Isa daw po itong massage attendant ata, at nagstart sa 16th floor. At lahat ng dinaanan pagkatapos mag-away nilang mag-girlfriend ay pinagsasaksak niya," ani Albayalde.

“Napatay po niya tapos tinulak niya sa may 16th floor kaya nakuha ‘yung babae sa ground floor," dagdag nito.

Ayon kay Albayalde, pareho umanong may asawa at anak ang suspek at biktima.

Idineklara namang dead on arrival sa ospital ang dalawa pang biktima.

Ayon kay Southern Police District Director Tomas Apolinario, lima ang sugatan na isinugod sa ospital.

Kinurdon ang gusali habang tinugis ng Special Weapons and Tactics Team ang suspek.

Napatay ng pulisya ang suspek 10:30 ng gabi. - Ulat ni Raya Capulong, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.