Kasapi umano ng drug syndicate sa Iloilo, arestado

Jennifer Garcia, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 03:48 PM

Arestado nitong Martes ang isang lalaki na miyembro umano ng isang drug syndicate sa Iloilo City.

Nahuli si Ricardo Trabuco Jr. sa kanyang bahay sa Barangay Tacas.

Narekober ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group 6 ang isang .45 kalibreng baril, apat na magazines at 26 na mga bala.

Sa imbestigasyon, si Trabuco umano ay kabilang sa Ernesto Bolivar drug syndicate na ang operasyon ay sa lalawigan ng Iloilo.

Itinanggi naman ni Trabuco na konektado siya sa illegal drugs. Pero aminado siyang may kaso siyang paglabag sa Republic Act 9165 matapos mahuli sa drug operation sa bayan ng Pototan, Iloilo noong 2014. Nakapag-piyansa naman siya sa halagang P60,000.

Sa ngayon, si Trabuco ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulatory Act.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.