Bato kay Mabilog: Makipagtulungan sa pulisya

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 10:06 PM | Updated as of Aug 30 2017 12:10 AM

Hinimok ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald Dela Rosa na makipagtulungan na lang sa kanila si Iloilo City Mayor Jed Mabilog matapos idestino ni Pangulong Rodrigo Duterte si Chief Inspector Jovie Espenido sa lungsod.

Inanunsiyo ng pangulo Lunes ng hapon sa kaniyang talumpati para sa Araw ng mga Bayani sa Taguig ang kaniyang pagtatalaga kay Espenido sa Iloilo City na sinabi niyang ''most shabulized'' na lungsod sa bansa. 

Si Espenido ang dating hepe ng pulisya sa mga lugar kung saan napatay ang dalawang mayor sa Albuera, Leyte at sa Ozamiz na idinadawit sa droga.

Nauna nang itinanggi ni Mabilog ang paratang sa kanya na isa siyang drug protector.

Wala pa sana umanong balak si Dela Rosa na gawing hepe ng Iloilo City si Espenido pero wala na siyang magagawa kung mismong ang pangulo na ang nagsabi.

"I don't resist... because I know he's the right man for the job.
'Yung pag-iisip namin ni presidente ay naka-align pareho kami ng pag-iisip. In fact, masaya pa nga ako, but we'll address the problem of drugs in Iloilo," ani Dela Rosa.

Nauna nang iginiit ni Espenido na nagkataon lang na siya ang nakaupong hepe sa mga lugar kung saan napatay ang dalawang mayor na parehong idinawit ng gobyerno sa drug operations sa bansa.

Mensahe ni Espenido kay Mabilog, "Relax lang, huwag kayong unahan si Espenido." 

Ipinahayag naman kanina ni Mabilog sa mga empleyado ng Iloilo City hall ang kanyang pagkadismaya sa muli na namang pagtawag sa kanya ng pangulo na isang drug protector.

Pero sa kabila nito, naniniwala si Mabilog na si Espenido ang magpapatunay mismo sa pangulo na mali ang pagtingin nila sa sitwasyon ng droga sa Iloilo City.

Ayon kay Dela Rosa, makipagtulungan na lang sana si Mabilog kay Espenido at ipakitang may pakialam siya sa lungsod niya.

"'Pakita mo talaga na mahal mo 'yung siyudad mo. At talagang lalabanan mo 'yung droga with all your might with the help of Espenido," ani Dela Rosa kay Mabilog.

Dagdag pa niya, "Wala tayong aatrasan sa laban na ito. Ma-governor ka man, mapa-mayor ka man, mapa-congressman, kesehoda ka, 'pag ikaw ay involved sa drugs uupakan ka namin. Di ka aatrasan ng PNP. Kung wala ka naman ginagawa na masama, bakit ka matakot? You will be our friend," sabi ni dela Rosa. 

Iginiit naman ni Dela Rosa na tatlong pulis na may 'konsensiya' ang nakapuwesto ngayon sa mga ahensiyang lumalaban sa ilegal na droga.

Siya umano sa Philippine National Police (PNP), si PNP Region 3 Director Aaron Aquino sa Philippine Drug Enforcement Agency, at si dating Region 11 Director Isidro Lapeña sa Bureau of Customs.

Magreretiro si Aquino mula sa PNP sa darating na Setyembre 6. Papalitan siya ng batchmate ni Dela Rosa sa Philippine Military Academy class of 1986 na si Chief Superintendent Amador Corpus.

Ayon kay Aquino, may bina-validate silang listahan ng narco-politicians sa Central Luzon kung saan kabilang umano ang limang mayor, dalawang congressman at isang vice governor. --Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.