Babae pinatay ng mister dahil sa selos

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 08:19 AM

MANILA - Patay ang isang babae matapos pagsasaksakin ng kanyang asawa sa Caloocan nitong Lunes dahil umano sa selos.

Hindi itinanggi ng 29-anyos na si "Jose" na siya ang pumatay sa asawang si "Lyn" sa loob ng kanilang bahay dakong alas-7 ng gabi.

Nagtatrabaho si Lyn bilang guwardya sa isang establisimyento sa Divisoria at isang katrabaho ang sinasabing kalaguyo nito.

Sinubukan umano ni Jose na kuhanin ang kanilang 2 anak bago iwanan ang misis, pero hindi ito pumayag.

"Madaling-araw na siya lagi umuuwi. Tadtad ng chikinini dito," ani Jose.

"Kanina sinabi na n'ya kung sino ang tao, kapwa niya guwardya daw... Hinawakan ko na buhok n'ya dahil gugupitin ko. Kumuha siya ng kutsilyo. Naagaw ko, nasaksak ko siya."

Agad ikinamatay ni Lyn ang 2 tinamong saksak sa dibdib. Sinubukan pang tumakas ng mister pero nahuli rin siya ng mga rumespondeng pulis.

Ayon naman sa ina ng biktima, nitong Hulyo pa nagsumbong sa kanya ang anak na pinagbabantaan siya ng asawa.

"Hiwalay [sila] pero nagkakabalikan eh. Mula nang mag-asawa sila, di ko pa nakikilala. Ngayon ko lang nakita. Wala namang trabaho ang lalaki," sabi ng ina.

Aminado naman ang suspek na dati siyang gumagamit ng droga.

Nahaharap ang suspek sa kasong parricide. Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

EDITOR'S NOTE: Hindi inilagay sa balitang ito ang tunay na pangalan ng biktima at suspek para sa kapakanan ng kanilang mga anak.