Anak, manugang ni Duterte, iniuugnay sa 'pambabraso' sa Customs

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 09:48 PM | Updated as of Aug 29 2017 11:27 PM

Inusisa nitong Martes ni Sen. Antonio Trillanes IV kung ano ang pakay sa Bureau of Customs (BOC) ng mga kaanak ng Pangulong Rodrigo Duterte, 

Sa ikalimang pagdinig ng Senate blue ribbon committee tungkol sa P6.4 bilyong halaga ng shabu na nasabat ng BOC, nagtanong si Trillanes tungkol sa mga kuha ng CCTV sa palibot ng kawanihan.

Ang puntirya ni Trillanes, ipakita ang video ng ilang beses na pagpunta sa BOC ng presidential son na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, at manugang ng Pangulo na si Atty. Manases "Mans" Carpio na asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte. Pamangkin din si Carpio ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Ayon kay Colonel Neil Anthony Estrella na bahagi ng Customs Intelligence and Investigation Service, minsan niyang nakita sa kawanihan si Carpio pero di niya batid kung anong ginagawa nito roon.

Hindi naman daw nakita pa ni Estrella si Paolo Duterte na nagpunta sa Customs.

Hawak umano ni Trillanes ang tetestigo laban kina Paolo at Carpio.

Plano niyang iharap ang testigo sa susunod na committee hearing o sa media.

Alegasyon ni Trillanes, bahagi sina Paolo at Carpio ng tinaguriang "Davao group" na nang-iimpluwensiya umano sa Customs para mailabas ang aniya'y undervalued o misdeclared na mga kargamento.

Trillanes, tinawag na 'desperado'

Sa isang Facebook post, napa-hashtag 'desperado' naman si Carpio sa mga birada ni Trillanes:

 

Itinanggi rin ng Ombdusman na may kinalaman siya sa kung anumang gawain ng pamangkin.

Sinusubukan pa rin ng ABS-CBN News na makuha ang pahayag ni Paolo Duterte.

Nitong Agosto 29 din, inulit ni Pangulong Duterte ang dati niya nang sinabi na bababa siya sa puwesto kung sangkot sa ilegal na gawain o sa pandarambong ang mga anak.

"Sinabi ko naman sa inyo, if any of my children, pinangalanan ko na agad si Mayor Sara, si Polong, pati si Sebastian, kung 'yan ang pumasok doon sa, may hiningi na illegal or graft and corruption, I told you before, I am ready to step down as president," ani Duterte.

Sinegundahan din ni Duterte ang naunang paliwanag ng manugang na bilang abogado, may mga kliyente si Carpio na kinakatawan niya sa mga ahensiya ng gobyerno.

"It's lawyering, nobody can question us. And even I, as a matter of fact, it is just part of our profession, our vocation as a lawyer," sabi ni Duterte.

Wala rin namang balak si blue ribbon committee chairman Richard "Dick" Gordon na ipatawag sina Paolo at Carpio sa kabila ng mga alegasyon ni Trillanes.

Pinasinungalingan ni 'Small'

Itinanggi naman ni Davao Councilor Nilo "Small" Abellera Jr. ang anumang koneksiyon sa sinasabing Davao group.

Una nang iniugnay ng Customs broker na si Mark Taguba si Abellera sa umano'y pamamadrino ng grupo sa Customs.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Abellera na wala siyang kilalang "Tita Nanie" na iniugnay rin ni Taguba sa konsehal.

Inamin ni Abellera na may nakapulong siyang isang alyas 'Jack' noon sa isang restobar sa Davao city na nagpakilala sa kaniya kay Taguba.

Pero hindi pinagbigyan ni Abellera ang hiling ni Jack na aregluhin ang pulong ni Taguba kay Paolo dahil ayaw umano ni vice mayor sa mga ganoong klaseng usapan.

Nangako si Abellera na dadalo sa susunod na pagdinig ng Senado na itinakda sa Huwebes, Agosto 31.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.