65-anyos na pastor, tomboy, timbog sa pag-kidnap sa dalagita sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 08:30 PM

ZAMBOANGA CITY - Arestado ang isang umano'y pastor at isang lesbiyana matapos umano kunin ang isang 16-anyos na dalagita sa Barangay Mampang dito, Lunes.

Ayon kay Supt. Nonito Asdai, sa kulungan ang bagsak ng nagpakilalang pastor na si Ramon Basco, 65, at si Jasmine Juston, 21, matapos nilang dakpin ang isang natutulog na menor de edad na umano'y karelasyon ng tomboy.

Ayon sa saksing si Renz Figueroa, nakita niya sina Basco at Juston na sapilitang dinala ang dalagita mula sa kuwarto nito papunta sa isang sasakyan.

Ayon kay Figueroa, agad niyang tinawagan ang nanay ng biktima na siyang humingi ng tulong mula sa mga pulis.

Na-rescue ng mga awtoridad ang biktima mula sa bahay ni Basco sa Barangay Tetuan.

Itinanggi naman ng mga suspek na sapilitan nilang pinasama ang biktima.

Giit ni Basco, humingi lamang ng tulong sa kanya si Juston na kumbinsihin ang nobya na makipag-ayos matapos ang mababaw na pag-aaway nila.

Ayon naman sa biktima, nais niya nang makipaghiwalay at tapusin ang 2-taon nilang relasyon ni Juston.

 

 

Bukod sa puwersahang pagkuha sa menor de edad, kakasuhan din si Basco ng illegal possession of firearms and ammunition matapos makuha ang isang revolver mula sa kanyang bahay.

Itinanggi ng pastor na sa kanya ang baril at iginiit na walang karapatan ang mga pulis na halughugin ang kanyang tirahan dahil wala namang inihain na search warrant.

Haharap ang dalawang suspek sa mga kaso ng abduction at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.