2 'tulak-droga' umano ng mga anak ng mayayaman at pulitiko, kalaboso

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2017 10:52 PM

MANILA - Naaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Pasig ang 2 lalaking nagtutulak umano ng cocaine sa anak ng mga mayayaman at pulitiko. 

Unang nadakip si Meynard Ang dahil sa pakikipag-away sa isang bar sa Pasig nitong Linggo. Nang siyasatin ng mga pulis, narekober sa kanya ang 8 pakete ng cocaine. 

Inamin ni Ang na nakakakuha siya ng bawal na gamot mula sa isang Edison Hernandez, ayon sa pulisya. 

Naaresto naman si Hernandez nitong Lunes matapos pumayag magdeliver ng droga kay Ang sa isang mall sa Barangay Ugong. Nakuha sa kanya ang nasa P400,000 halaga ng cocaine. 

"Mga kaibigan daw niya (Hernanez) ay mga mayayaman, saka mga anak ng mayayaman -- iyung iba, mga anak ng pulitiko. Siguro kasi mga ka-age bracket niya, mga katropa niya at aminado naman itong ating suspek na siya ay gumagamit din," ani Senior Supt. Orlando Yebra, hepe ng Pasig police. 

Madalas aniyang nagbebenta ng droga ang dalawa sa mga high-end na club at pasyalan. 

Dagdag ni Yebra, nagkasa na ang pulisya ng follow-up operation upang masakote ang drug supplier ng 2 suspek.

Sasampahan ang 2 ng paglabag sa Comprehensive Drugs Act. -- Ulat ni Henry Atuelan, DZMM 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.