TINGNAN: Tulay sa Butuan City, bumagsak

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2016 07:50 PM | Updated as of Aug 29 2016 09:01 PM

Photo courtesy of Bob Jong Solera

BUTUAN CITY - Isang motorized "sikad" at pick-up truck ang nahulog sa ilog matapos bumagsak ang tulay sa Barangay Babag, Butuan City.

May sakay na anim na pasahero ang truck na minamaneho ni Edson Abamonga. Wala namang nasaktan sa insidente.

Nakalutang sa ilog ang truck habang ni-rescue ang motorized sikad. May ilang residente rin na tumatawid sa tulay ang gumulong pababa at nahulog sa ilog.

Matagal na umanong binawalan ang mga sasakyan na dumaan sa nasabing tulay dahil mahina na ang pundasyon at istruktura nito. May nakalagay na ring babala sa tulay.

Nangyari ang insidente sa mismong araw ng piyesta ng barangay. Dahil dito, apektado ngayon ang mga residente na tatawid sa sentro ng barangay at papuntang siyudad.

Ang tulay ang nagsisilbing alternatibong ruta para mas mabilis makalabas sa barangay. 

Ayon sa mga opisyal ng barangay, matagal na umanong idinulog sa lokal na pamahalaan ng Butuan City ang tungkol sa tulay ngunit mabagal ang aksyon at hindi ito nabigyan nang agarang pansin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.