Purok chairman sa Davao City, patay sa pamamaril

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2016 12:34 PM

MANILA - Patay ang pinuno ng isang purok sa Buhangin, Davao City matapos pagbabarilin ng mga naka-motorsiklong suspek, Linggo ng gabi. 

Bibili sana ng sigarilyo si Purok I Chairman Raul Palatabra sa Barangay Communal pasado alas-8 ng gabi nang paputukan siya ng mga suspek. 
 
Nakatakbo pa papasok ng kanyang bahay ang biktima ngunit sinundan siya ng mga salarin at muling pinagbabaril. 

Agad namatay ang opisyal habang mabilis namang nakatakas ang mga suspek. 

Kaanak ni Palatabra ang kapitan ng katabing Barangay Communal na si Mark Galvez. 

Giit ni Galvez, walang kinalaman sa droga ang napaslang na biktima, taliwas sa mga paratang laban sa kanya na umano bunga ng pamumulitika. 

Iisang fragmented slug ang nakuha ng police Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar ng pamamaril. 

Tumanggi nang magbigay ng panayam ang pamilya ng biktima.