Mga preso ng BJMP, inutusang mag-drug test

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2016 12:55 PM

MANILA - Isasalang ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa drug test ang lahat ng preso sa mga kulungang nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon.

Inilahad ni BJMP jail director, Serafin Barreto Lunes na surpresa nilang isasailalim sa drug test sa lahat ng preso, sintensyado man o kasalukuyan pang nililitis.

Sa pamamagitan aniya nito, malalaman ng mga awtoridad kung patuloy na nakapapasok ang iligal na droga sa mga kulungan.

Agad din umanong tatanggalin sa pwesto ang mga jail warden ng mga kulungang may mga presong magpopositibo sa droga.

Samantala, ibinulgar naman ng pulisya na mahigit kalahati ng mga preso ng BJMP sa iba't-ibang piitan sa silangang bahagi ng Metro Maynila ay nakulong dahil sa droga.

Ito ang lumabas sa pulong na ipinatawag ni Eastern Police District (EPD) director, Chief Superintendent Romulo Sapitula kasama ang mga opisyal ng BJMP na nakatalaga sa Pasig, Mandaluyong, Marikina at San Juan.

Binanggit din ni Sapitula na overloaded na ang mga kulungan sa mga nasabing lungsod.

Pumirma ang EPD at BJMP ng memorandum of agreement para mapaigting ang mga operasyon laban sa pagpupuslit ng droga sa mga kulungan.

-- May mga ulat ni Jeff Hernez at Henry Atuelan, DZMM