Baril, droga, nakumpiska sa bahay ng anak ng vice-mayor sa Isabela

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2016 09:39 PM

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

ISABELA - Nakumpiska ng mga pulis ang ilang baril, bala, hinihinalang shabu, at drug paraphernalia sa bahay ng anak ng vice mayor ng Jones, Isabela Sabado ng umaga.

Isang M-16, isang caliber .45, siyam na magazine, mahigit 100 bala para sa iba't ibang kalibre ng baril, drug paraphernalia, at isang plastic bag ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga pulis sa bahay ni Glennford Raspado sa Barangay 1 sa bayan ng Jones.

Si Glennford ay anak ni Vice Mayor Evelyn Raspado at yumaong dating Vice Mayor Florante Raspado. Mayroon rin siyang tindahan ng hardware at construction supply sa palengke ng Jones.

Ayon kay Senior Inspector Samuel Lopez, chief of police ng Jones, una sa listahan ng drug personalities si Raspado, na sumuko bilang drug user noong unang linggo ng Hulyo.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at Republic Act 10591 o New Firearms Law laban kay Raspado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.