PatrolPH

Mangingisda ng bangkang winasak umano ng ipo-ipo nasagip; 2 hinahanap pa

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2022 12:32 PM | Updated as of Aug 28 2022 01:25 PM

Isang 26 anyos na mangingisda ang nasagip nitong Sabado sa Camarines Norte matapos ang halos limang araw na pagpapalutang-lutang sa dagat.

Kinilala ang nasagip bilang si Mark Anthony Ortiz, residente ng Mercedes, Camarines Norte.

Isang kapuwa mangingisda mula Calaguas Island ang nag-rescue kay Ortiz at umalalay sa kaniya para makapag-report sa pulisya.

Ikinuwento ni Ortiz sa pulis na lumubog umano ang bangka nila, 12 hanggang 15 kilometro ang layo sa silangan ng Jomalig Island sa Quezon noong gabi ng Lunes.

"Ang nasabing bangka ay diumano'y tinamaan ng (ipo-ipo) dahilan upang tumaob at mawasak," sabi ng Camarines Norte police sa isang pahayag.

"Ang 3 biktima diumano ay humawak lamang sa natirang katig ng nasirang bangka at nagpatuloy na nagpalutang-lutang," anang pulisya.

Kinilala ang mga nawawala bilang sina Jaypee Fajardo, 39, at Anecito Jerbon, 49.

Ayon sa pulisya, muling pumalaot si Ortiz para tumulong sa mga mangingisda ng Calaguas sa paghahanap sa mga kasamahan. 

Naabisuhan na nila ang may-ari ng bangka sa sinapit nito.

Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Philippine National Police Maritime Group at Philippine Coast Guard para sa isasagawang water search and rescue operation.

— Ulat ni Jonathan Magistrado

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.