MAYNILA - Tuloy na tuloy na ang planong kilos protesta ng mga manggagawa sa health sector para igiit ang panawagang ibigay na ang mga benepisyong ipinangako sa kanila ng gobyerno sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.
“Meron talagang protest action na gaganapin ngayong darating na linggo. 'Yan po ang pagkakaisa, kung anong porma 'yan po ay ipipinal pa po namin,” pahayag ni Jocelyn Andamo, secretary general ng Filipino Nurses United.
Kasabay nito, kumukonsulta na rin ang grupo sa mga expertong legal hinggil sa posibleng paglatag ng kaso laban sa mga opisyal ng Department of Health (DOH).
“Nag-iisip kami at nagko-consult kami sa mga lawyers. Hindi kami legal experts, hindi namin alam kung anong pormang kaso dahil sa tingin po namin ito ay napakalaking pagpapabaya, this is gross neglect. Maraming buhay ang naawawala na hindi pa naman dapat dahil sa kawalan ng resources, walang pondo, walang serbisyo na accessible. Ito ay pwede nang sabihin na criminal neglect,” sabi ni Andamo.
Sa panayam sa TeleRadyo Sabado ng umaga, giit ni Andamo na hindi din dapat na gawing dahilan ang pandemya para sa kawalan ng aksiyon ng pamahalaan.
"Hindi porket pandemya, ito ay hindi po excuse para gampanan ng pamahalan ang obligasyon niya sa kalusugan dahil nakalagay sa ating Constitution that health is a basic human right and the state should ensure that all its citizen enjoy this right,” sabi niya.
Wala pa rin aniyang pagbabago sa planong protesta lalo’t marami pa rin sa kanilang mga kasamahan ang hindi pa nakatatanggap ng benepisyong ipinangako ng pamahalaan.
Binigyan ni Duterte ang DOH at Department of Budget and Management ng 10 araw para ibigay ang benepisyong hiling ng mga health workers.
“Yun ang nakaka-frustrate sa amin at nakakasakit ng loob dahil kahit meron pong pronouncement si Pangulong Duterte ay pinapanindigan ng Department of Health na only those serving directly to COVID patients ang bibigyan nila ng SRA, samantalang maraming nurses at ibang manggagawang pangkalusugan ang not necessarily in the COVID wards pero exposed po sila sa mga COVID patients at napakarami po nito,” sabi niya.
Mas vulnerable umano ng health wokers dahil exposed sila sa COVID-19 kahit pa wala sila sa COVID-19 wards.
“Definitely, tuloy ang protesta pero po ang pinapanawagan namin sa pamahalaan habang may panahon, agaran na pong tugunan ang aming pangangailangan dahil kaya naman po nila,” sabi niya.
Pero bukod sa SRA, hindi pa rin aniya naibibigay sa kanila ang ibang benepisyo tulad ng meals, accommodations and transportation allowance, life insurance at active hazard duty pay at maging ang COVID-19 compensation na malaking tulong sana sa health workers.
Paniwala din ng grupo na mas makatutulong sa bansa kung magbitiw na lamang sa pwesto si Duque.
“Sa buong bansa po, sa tingin namin makakatulong po 'yan. Ang rumaragasang pandemya is just like a public health disaster. We are in a disaster and we should be rescued, hindi lang po ang mga manggagawang pangkalusugan ang hirap na hirap at nagsasakripisyo. Lahat po tayo ay naapektuhan.”
“Sa tingin po namin malaking tulong kung mapapalitan ang leadership para magkaroon ng mas scientific, mas adequate, mas comprehensive na management ng pandemic response,” sabi niya.
Filipino Nurses United, Jocelyn Andamo, COVID 19, Coronavirus, health workers benefits, COVID 19 benefits for health workers, Department of Health, special risk allowance, TeleRadyo, TV Patrol, TV Patrol top