10 barangay sa Lubang, Occidental Mindoro isasailalim sa localized lockdown

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2021 03:00 PM


MAYNILA - Isasailalim sa localized lockdown simula sa Linggo, Agosto 29, hanggang Setyembre 11, 2021 ang 10 sa 16 na barangay sa bayan ng Lubang sa Lubang Island, Occidental Mindoro.

Ayon kay Mayor Michael Orayani, isang residente na walang travel history o hindi lumalabas ng isla ang nagpositibo sa COVID-19 matapos mabakunahan ng Janssen vaccine.

“'Yung nag positive sa RT-PCR namin walang history ng travel. Ang sinasabi nila after na ma-vaccinate ng Johnson & Johnson parang nagkaroon siya ng symptoms, humirap ang paghinga, hindi makalasa, hindi makaamoy, nawala 'yung pang-amoy. Noong nahirapan na siya huminga nagpadala na siya sa ospital, nag-positive siya sa antigen, after ilang days sinawab siya, nag-positive siya sa swab test,” ayon kay Orayani.

Walo sa kaniyang naging close contact ang nagpositibo sa antigen test. Ang kabuuang 54 na naging close contact ng nagpositibo sa RT-PCR swab test ay naka-quarantine na.

Kabilang sa mga barangay na isaisalalim sa lockdown ang mga sumusunod:

  •  Tilik
  •  Maligaya
  •  Likas ng Silangan
  •  Ninikat ng Pag-asa
  •  Araw at Bituin
  •  Paraiso
  •  Banaag ng Pag-asa
  •  Bagong Sikat
  •  Maginhawa
  •  Tagbac

Tanging ang mga taong kailangan ng essential goods at services lamang ang papayagang makalabas sa mga barangay.

Limitado na rin ang pagpapasok sa Lubang Island kung saan tanging mga authorized person outside residence o APOR at mga nag-emergency travel lamang ang papayagan.