'Wag na nilang subukan': Ama ng nurse na patay sa hit-and-run di makikipag-areglo

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2020 09:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi pa rin humuhupa ang galit at pangungulila ni Ricardo Perez, ama ng namatay na nurse frontliner dahil sa hit-and-run sa Maynila, kahit pa sumuko na ang babaeng may-ari ng sasakyang nakabangga sa biktima.

"Kahit pagsubo ng pagkain di ko makain. Napakasakit ng ginawa niya. Dapat hinintuan niya na lang, baka dun mapatawad ko pa siya," ani Perez.

Matapos ang 4 na araw, lumutang noong Huwebes sa Manila Police District headquarters ang may-ari ng pick-up na nakaaksidente kay Renz.

Nakatulong ang CCTV footage para matunton ito.

Napag-alaman na isang Saudah Bacaye ang may-ari ng sasakyan pero ayon sa abogado, hindi ang kanyang kliyente ang nagmamaneho nang mangyari ang insidente.

Handa raw silang magpaabot ng tulong sa biktima pero ayon kay Perez, wag na nilang subukan.

"Lalabas din naman ang katotohanan. Kung makikipag-areglo ka, masasayang lang pagod mo."


—Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.