PatrolPH

'Personal shopper' services nauuso ngayong may pandemya

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2020 06:23 PM

MAYNILA - Pinapadeliver na ni Lorna Vingson sa kaniyang bahay ang inoorder na grocery items. 

Ayaw na niya kasing pumunta sa supermarket sa pangambang mahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

“ I'm super takot dun sa maexpose ka sa maraming tao kasi we dont know kung sino ang carrier ng virus eh,” ani Vingson. 

Sa sobrang ingat, hinuhugasan pa niya ang ilang items bago itago o ilagay sa ref. 

"Siyempre exposed 'yun tapos ipapasok mo sa ref mo eh yung virus pa naman di raw namamatay sa lamig,” ani Vingson. 

Si Davey Turla naman, nagpa-deliver na lang ng 2 pakete ng hotdog imbes na pumunta sa supermarket o palengke. 

"Kasi nga raw risky mamalengke medyo maraming tao maiiwasan magkahawaan,” ani Turla. 

Kung sa iba may bayad ang delivery, libre na ito sa negosyo ni Enrique Carlos na parang "personal grocer" o tagabili ng produkto sa kanilang komunidad sa Fairview sa Quezon City. 

"Yung ibang tao natatakot na ring lumabas, nagbibigay kami ng serbisyo free delivery para makatulong na rin," ani Carlos. 

May mga personal shopper service na rin ang mga mall para sa mga takot o walang oras na pumunta rito. 

Sa Trinoma, halimbawa, papasok sa Ayala Malls Neighborhood Assistant ang order. Puwedeng mamili ng mga gamot o kaya ibang produkto gaya ng computer gadget o kahit pagkain. 

Dadalhin ito balik sa concierge bago tuluyang ipadala sa customer na siyang magbabayad ng delivery charge. 

Sa ngayon, wala pang service fee pero simula Setyembre 1, mayroon nang P200 bayad para sa bibilhing goods na hanggang P5,000. 

"Kung gusto mo, ipa-deliver sa bahay mo, kung hindi man kung gusto mo pick-upin lang dadalhin ng personal shopper sa drive-by stations sa malls pwede mo daanan... It's a safe way actually of shopping kung takot ka na pumunta sa mall, may gagawa na noon sa'yo," ani Ayala Malls head Yeng Tupaz. 

Mayroon namang “SM Shopper” para sa malalaking malls ng SM sa Metro Manila na maa-access sa kanilang website at social media accounts. 

Mayroon ding "MyKuya" app para sa Robinsons Malls sa Metro Manila. 

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.