Lalaking nakabisikleta patay matapos sumalpok sa kotse sa Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2020 05:26 AM

MAYNILA - Patay ang isang lalaking nagbibisikleta matapos siya bumangga sa isang nakaparadang kotse sa Sta. Cruz, Maynila nitong Huwebes.

Binabaybay umano ni Adelino Pagtama bandang ala 1 ng hapon ang Antipolo Street lulan ng bisikleta at kumapit ang biktima sa kasunod nitong trak para bumilis ang takbo niya.

Pero pagdating sa kanto ng Ipil Street, hindi niya napansin ang nakaparang kotse sa kalsada, ayon sa Manila District Traffic Enforcement Unit.

Wasak ang bisikleta na tumama sa likurang bahagi ng kotse.

Itinakbo pa sa ospital si Pagtama ng mga rumespondeng fire volunteer pero agad din siyang binawian ng buhay dahil sa tindi ng mga tinamong sugat.

Dahil sa insidente, nagasgas din ang nakaparadang kotse pero nagkasundo na ang mga partido na aregluhin na ang kaso.

Nagpaalala naman ang MDTEU sa mga motorista at mga nagbibisikleta ngayong general community quarantine na maging maingat sa daan at maging listo sa lahat ng oras.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.