PatrolPH

4 lugar sa Negros Occidental, isasailalim sa targeted lockdown kasunod ng mass testing

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2020 01:27 AM | Updated as of Aug 28 2020 11:23 AM

Isasailalim sa targeted lockdown mula Linggo hanggang Lunes ang apat na lugar sa lalawigan ng Negros Occidental.

Kasunod ito ng gagawing "timeout weekend" sa lalawigan at sa Bacolod City ngayong Biyernes at Sabado.

Kabilang sa mga ila-lockdown ang mga lungsod ng Silay, Talisay at Bago, at ang bayan ng Murcia.

Pakay ng nasabing "timeout weekend" ang pagsasagawa ng mass testing sa loob ng apat na araw para masolusyonan ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Nasa 10,000 ang target na sasailalim sa RT-PCR sa limang lugar.

Ayon kay Governor Eugenio Jose Lacson, targeted lockdown ang napagpasyahan nilang gawin sa halip na total lockdown at mismong ang mga alkalde ng bawat local government unit na ang babalangkas ng kanilang guidelines na nababatay sa inilabas niyang executive order hinggil sa pagpapatupad ng timeout weekend.

Batay sa EO, magiging bukas pa rin ang mga daan para sa delivery ng essential goods and services pati na sa mga authorized person outside residence (APOR). Puwede pa rin magamit ang mga provincial passes.

Bukod sa naihandang quarantine facility ng bawat LGU para sa inaasahan dami ng magpopositibo sa COVID-19, nagdagdag na rin ng 30 beds ang provincial government sa Cadiz City District Hospital upang matugunan ang kawalan ng hospital beds para sa sa mga pasyente ng COVID-19.

Karamihan sa tagapamahala ng mga ospital, lalo na sa Bacolod ang nagdeklara na ng full bed capacity dahil sa dami ng kaso ng COVID-19.

Lampas na sa 1,000 ang COVID-19 cases sa Negros Occidental, habang mahigit 800 na rin ang kaso ng COVID-19 sa Bacolod City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.