Pulis timbog sa pamamaril umano ng 3 lalaki sa Negros Occidental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2019 09:13 PM

Isang pulis ang inaresto nitong Miyerkoles matapos umano niyang pagbabarilin ang tatlong lalaki sa magkakahiwalay na insidente sa mga bayan ng Hinigaran at Pontevedra sa Negros Occidental.

Kinilala ang suspek na si Police Cpl. Romnick Ace Pacificar na miyembro ng Drug Enforcement Unit ng Negros Occidental Police Provincial Office.

Ayon sa mga awtoridad, nakita ng pulis na iinom sana sa isang tindahan sa Hinigaran ang isang mag-ama, na para sa kaniya ay kaduda-duda.

Habang kinakausap ang ama bigla na lang nakita umano ni Pacificar na may binubunot ang 20-anyos na anak na kinilalang si Jiene Mar Baya.

Sa akalang baril ito, agad binaril ng suspek sa leeg si Baya bago mabilis na tumakbo sakay ng kaniyang motorsiklo.

Nang umabot si Pacificar sa bayan ng Pontevedra, natumba ang motorsiklong sinasakyan nito.

Sabi ng mga awtoridad, tutulungan sana ng dalawang lalaki si Pacificar pero bigla niya na lang itong pinagbabaril.

Pinagkamalan umano ni Pacificar and dalawa na pamilya ng biktimang kaniyang unang nabaril.

Patuloy na ginagamot sa ospital ang mga sugatan na biktima. 

Nahaharap naman si Pacificar sa kasong attempted murder at frustrated murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.