Panelo, Demetriou nagsagutan sa isyu ng paglaya ni Sanchez

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2019 07:17 PM | Updated as of Aug 28 2019 09:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinasaringan ni retired judge Harriet Demetriou ang mga umano'y nasa likod ng plano sanang pagpapalaya kay convicted rapist-killer Antonio Sanchez, partikular na si Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Si Panelo ang tumayong lead counsel noon ni Sanchez nang ito ay nilitis bilang utak sa paggahasa at pagpatay kay University of the Philippines Los Baños (UPLB) student Eileen Sarmenta at sa pagpatay sa kaibigan ni Sarmenta na si Allan Gomez noong 1993. 

Si Demetriou naman ang Pasig judge na nagparusa kay Sanchez ng 7 counts ng reclusion perpetua matapos mapatunayang guilty ito sa mga krimen. 

Sabi ng retiradong hukom, dapat nang magbitiw si Panelo sa puwesto dahil tila isinusulong pa raw nito ang pagpapalaya kay Sanchez. 

"Dapat sinabihan mo na ang Presidente na 'Mr. President, Mr. Sanchez is not entitled to application of good conduct time allowance (GCTA) because he is not qualified.' He cannot claim ignorance kasi defense counsel siya, abogado siya ni Sanchez," sabi ni Demetriou. 

Pumalag naman si Panelo at sinabing siya mismo ang nagpayo kay Pangulong Rodrigo Duterte na hindi kalipikado si Sanchez sa GCTA.

Binanatan din niya si Demetriou dahil tila nagpapaniwala daw ito sa tsismis. 

"It is unfortunate that former Judge Demetriou has expressed an opinion on the basis of speculation. When the President asked for my opinion... I categorically stated that... Sanchez and those similarly situated... are excluded from the the coverage of the law," ani Panelo. 

Dumepensa rin ang presidential spokesperson at sinabing hindi siya nakikisawsaw sa mga isyung labas sa kaniyang opisina. 

Nanawagan naman si Demetriou na magsagawa ng imbestigasyon ang Senado at Kamara laban kina Panelo, Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon, Sen. Ronald dela Rosa, na umano'y pabor sa pagbibigay ng "second chance" para kay Sanchez.

Pinasaringan din ni Demetriou ang simbahan sa umano'y pagiging tahimik nito sa isyu.

Hindi na umano siya nagtaka dahil kilalang malapit daw sa simbahan si Sanchez. —Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.