PatrolPH

May-ari ng Chinese vessel na nambangga sa Recto Bank humingi ng tawad

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2019 07:17 PM

Watch more on iWantTFC

Humingi ng tawad ang may-ari ng Chinese vessel na nakabangga sa bangka ng mga mangingisdang Pinoy sa Recto Bank sa West Philippine Sea noong Hunyo. 

Sa sulat ng Guangdong Fishery Mutual Insurance Association sa Department of Foreign Affairs, iginiit nitong kailangan ng may-ari ng Chinese vessel na akuin ang responsibilidad sa insidente.

Ito ay kahit lumabas sa imbestigasyon nila na aksidente lang at hindi sinasadya ng mga mangingisdang Tsino ang pagbangga sa F/B GEM-VER noong Hunyo 9.

"We believe that, although the accident was an unintentional mistake of the Chinese fishermen, the Chinese fishing boat should however take the major responsibility in the accident," sabi sa sulat na nilagdaan ni Chen Shiquin, pangulo ng Guangdong Fishery Mutual Insurance Association.

Nagpaabot din ng paumanhin ang may-ari ng bangka sa insidente.

"The shipowner involved, through our Association, would like to express his sincere apology to the Filipino fishermen," sabi sa sulat.

Hinimok ng asosasyon ang mga mangingisda na humingi ng danyos. Sila pa raw mismo ang makikipag-ugnayan sa mga awtoridad para mapabilis ang pagkuha nito.

Nangyari ang paghingi ng tawad ilang buwan matapos ang insidente, na lalong nagpaigting sa mainit nang tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa kaniyang muling pakikipagkita kay Chinese President Xi Jinping sa Huwebes ay pag-uusapan nila ang mga isyu sa West Philippine Sea, kabilang ang banggaan sa Recto Bank.

Desidido pa rin ang pangulo na banggitin kay Xi ang panalo ng Pilipinas sa United Nations Arbitral Tribunal noong 2016 na nagbabalewala sa umano'y 9-dash line claim ng China sa halos kabuuan ng South China Sea.

Malabo man na matutuldukan nito ang agawan sa teritoryo, umaasa ang Malacañang na maisusulong sa usapan ang paglutas sa mga umiinit na tensiyon sa West Philippine Sea.

Bukod sa arbtiral ruling, babanggitin din ng pangulo ang pagkakaroon ng code of conduct para sa mga bansang nag-aagawan ng mga teritoryo sa South China Sea.

Pag-uusapan din ang ipinapanukalang joint oil and gas exploration sa lugar, sa hatiang 60-40, pabor sa Pilipinas.

Bukod kay Xi, nakatakda ring makipagpulong si Duterte kay Chinese Premier Li Keqiang at Vice President Wang Qishan. -- May ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.