Ilang barangay sa Davao binaha; ilang residente, nasagip

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2019 11:30 PM

DAVAO — Nagsagawa ng rescue operations ang lokal na pamahalaan ng Davao City sa ilang barangay sa lungsod matapos ang walang tigil na pag-ulan nitong Miyerkoles.

Tuloy-tuloy ang bagsak ng ulan sa lungsod na nagdulot ng mataas na baha at rumaragasang tubig sa mga sapa kaya naglunsad ang mga awtoridad ng rescue operations sa Barangay Los Amigos at Barangay Talomo. 

"Mabilis lang ang pagtaas ng tubig, 'di umabot ng isang oras. Malaki na talaga," ani Dedeth Mantasan, isang naapektohang residente.

Ang ibang mga residente, may naiwan umanong mga miyembro ng kanilang pamilya sa kanila-kanilang bahay, katulad ng isang babae na umiyak dahil naiwan umano nito ang kanyang ina.

Nasagip naman ang ina at agad dinala sa ambulansya.

May iba namang maswerteng nakahakot ng gamit bago pa man lumebel na sa kanilang bahay ang baha. 

Nahirapan ang mga rescuer dahil pansamantalang pinutol ang linya ng kuryente. Wala nang nagawa ang iba pa kung hindi i-monitor na lang ang mga pamilyang nasa bahay pa, dahil hirap na ding makalusong ang mga rescuer sa taas ng tubig.

Pansamantalang mananatili sa evacuation center ang mga apektadong pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.