Sanggol, 2 pa patay sa nasunog na barko sa Dapitan

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2019 02:45 AM | Updated as of Aug 28 2019 09:09 PM

Watch more in iWantTFC

DAPITAN (4th UPDATE) — Patay ang isang sanggol, isang senior citizen, at isa pang pasahero matapos tumalon mula sa nasunog na barko sa karagatang sakop ng lungsod na ito sa Zamboanga del Norte, Miyerkoles ng madaling-araw.

Nasa Tag-ulo Point ang Lite Ferry 16 at mahigit isang oras ang layo mula sa destinasyon nitong Pulauan Port sa Dapitan City nang sumiklab ang sunog bandang alas-12 ng hatinggabi, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Galing ng Samboan, Cebu ang naturang barko.

Nalunod ang ilang tumalong pasaherong na sina Chloe Labisig, mahigit isang taong gulang; Danilo Gomez, 60; at Rolando Heneral, residente ng Zamboanga del Sur.

Nasagip na rin ang 245 na pasahero at tripolante ng barko, ayon kay Lt. Jr. Grade Cherry Rose Manaay, port commander ng PCG-Dapitan.

Isinugod naman sa ospital ang 2 pasahero na nasugatan dahil sa pagtalon mula sa Lite Ferry 16.

Bandang alas-6 ng umaga nang maapula ang apoy.

Ayon kay Manaay, posible raw na nanggaling sa engine room ang sunog batay sa kanilang pag-uusap ng kapitan ng barko. Gayunman, patuloy nilang iimbestigahan ang insidente.

Pansamantala namang binigyan ng accommodation ng kompanya ng barko ang nailigtas na mga pasahero.

Wala pang pahayag ang kapitan ng barko at wala pang inilalabas na pahayag ang shipping company sa nangyaring sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.