PatrolPH

'Tingi-tingi' patok dahil sa papamahal na mga bilihin

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2018 07:20 PM

Watch more on iWantTFC

Iba't ibang diskarte ang ibinahagi ng mga tindera at mga mamimili para makatipid kasunod ng patuloy na pagsipa ng inflation o taas ng presyo ng mga bilihin. 

Nagtitinda ng lutong ulam si Elizabeth Tabuyan sa kanilang komunidad kaya naman nagbigay siya ng tips sa mga tulad niyang tindera para makatipid.

Aniya, mas mabuti ang pagbili ng mga tingi o 'yung de-plastik na halo-halong gulay at dinadagdagan na lamang niya ito ng mga pork o beef cube para lumasa.

Sa palengke sa Batasan, mabenta rin umano ang mga tingi at wala na raw kasi halos bumibili ng mga kada piraso sa taas ng presyo. 

Halimbawa na rito ang sari-saring gulay na pang-pakbet, na nasa P10 hanggang P15 ang presyo. Ang chopseuy assorted naman ay nasa P10 rin kada plastik. 

"Maganda na naka-plastic kasi mas mabili, mas mura ito at marami bumibili," ani Elvie Vertulfo, tindera ng gulay. 

Ayon naman kay Agriculture Secretary Manny Piñol, maraming dahilan ang pagtaas ng presyo ng mga gulay gaya ng panahon. 

Dagdag ni Piñol, inaasahan na pag bumaba na ang presyo ng bigas sa Nobyembre, susunod na rin daw ang presyo ng ibang bilihin. 


—Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.