Bagong reklamong 'crimes against humanity' vs Duterte, isinampa sa ICC

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2018 07:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa na namang kaso ng crimes against humanity ang isinampa sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga umano'y "extrajudicial killings" (EJK) bunsod ng kaniyang war on drugs. 

Isinampa ito ng grupong Rise Up for Life and for Rights at ilang pamilya ng mga umano'y napatay sa kampanya kontra ilegal na droga, sa tulong ng National Union of Peoples' Lawyers (NUPL).

Paulit-ulit na sinasabi ng pulisya na nasa 4,000 na ang namamatay dahil sa "panlalaban" pero nasa 23,000 na umano ito, ayon sa bilang ng mga human rights group.

Kahit hindi siya mismo ang gumawa sa umano ay pagpatay sa mga adik at pusher, malinaw daw na nag-udyok nito si Duterte batay sa paulit-ulit niyang anunsiyo.

“Maraming kaso sa ICC na wala namang specific order na written. Wala pa kong alam na presidente na naglagay siya talaga ng order na patayin niyo 'yan kasi mga drug addict 'yan,” ani NUPL chair Atty. Neri Colmenares.

Ebidensiya ring hawak nila ang mga memorandum mula sa Philippine National Police (PNP) na nagsasabing “i-neutralize” ang drug personalities.

“We think ‘neutralize’ in the 'tokhang' memorandum is a directive to kill as stated and as shown not only in police language themselves but also in practice,” ayon naman kay Atty. Kristina Conti, co-counsel.

 MINALITT

Pero ayon sa Palasyo, walang kahulugan at walang kahihinatnan ang kasong ito.

“Hindi po dapat gumalaw ang ICC unless local courts have been proven to be unable or unwilling to exercise jurisdiction on these complaints,” giit ni presidential spokesman Harry Roque. 

Pero paano naman daw gagalaw ang korte sa Pilipinas kung hindi puwedeng kasuhan ang Pangulo.

“Si Duterte ay hindi iniimbestigahan dito sa Pilipinas, hindi siya pino-prosecute...and in fact... [in] our jurisprudence ang presidente immune from suit, therefore ang ICC ay may jurisdiction at sila na lang ang remdedy ng mga biktima,” giit ni Colmenares. 

Ito na ang pangalawang kaso na isinampa sa ICC laban kay Duterte.

Pero noong Marso, nagsumite ng withdrawal o pagkalas ang Pilipinas sa ICC.

Kasalukuyang dinidinig ngayon sa Korte Suprema kung legal ang naging hakbang na ito ng Pangulo.

Pero kahit kumakalas na ang gobyerno sa ICC, wala raw epekto ito sa isinampang kaso.

Batay kasi sa mga patakaran ng ICC, isang taon pa bago maging epektibo ang withdrawal o pitong buwan pa mula ngayon, kaya maaaring nasa hurisdiksiyon pa rin ng naturang korte ang kasong crimes against humanity laban sa Pangulo. 

—Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.